Pilipinas: Bansa ng mga Talentado at Karunungan!
Minsan lang ako makabasa sa internet, pero ramdam ko ang bigat ng isyu tungkol sa DPWH. Isang boses ang nagsalita, at biglang naging tinig ng buong bayan. Salamat, Mayor Vico Sotto, sa iyong tapang at pangunguna.
Ang pinakanakakatagos para sa akin ay ang sinabi ng mga diumano’y sangkot—na sila raw ay biktima rin. Biktima ng bulok na sistema. Oo, nakinabang sila. Oo, naging bahagi sila ng katiwalian. Pero hindi kaya, sa likod ng kahihiyan at bigat ng katotohanan, may bahagi rin sa kanila na gustong magsisi? Na gustong humingi ng tulong? Ngunit… kanino? Kung mismong mga dapat magbigay ng katarungan ay tinuturo ring kasangkot?
Matagal na tayong lumalaban laban sa korapsyon. Pero hanggang kailan? Paano? Bakit palaging mga maliliit lang ang nadadawit? Nasaan ang mga malalaking isda? Nasaan ang mga makapangyarihan?
Nakakatakot silang banggitin. Malalaking tao, makapangyarihan, nakaupo sa matataas na posisyon. Pero alam ko na may mas malaki pa kaysa kanila—tayo, ang taong bayan.
Kaya masakit isipin—bakit ba natin muling iniluluklok ang mga pinatalsik na? Bakit binabalik natin ang mga ulupong na pinaglaban at pinalayas ng ating mga ninuno? Totoo, may sala rin tayo. Dahil sa ating mga kamay ang kapangyarihan pumili ng tama, pero mali pa rin ang pinipili. Kaya heto tayo ngayon—puno ng pagdurusa, kalumbayan, at kawalang-pag-asa.
Sana sa susunod, magnilay tayo. Mag-isip nang mas malalim. Huwag hayaan na gawing teleserye ang pulitika, na tila scripted na drama lang para tayo mapagod at mawalan ng gana. Sapagkat habang abala tayo sa panonood, nakakalusot ang tunay na kasamaan.
Mga kababayan, magmasid. Magtanong. Magising. Huwag padala sa aliw na dala ng politika. Dahil kung hindi tayo kikilos, paulit-ulit lang ang parehong kwento—at lalo tayong lulubog sa hirap at kawalan ng pag-asa.
#DPWH
Comments
Post a Comment